I Am Still A Human Being, After All…
Noon, kapag napapaisip ako, at nakakakita ako ng mga tao, tinatanong ko ang aking sarili, "Ano nga ba ako sa kanila?" Alam ko, masyado akong mabait sa mga tao, kakilala ko man o hindi. Dyan ako nabuhay, at dyan ako siguradong mamatay. Pero hahayaan ko nga bang mapatay ng isang bagay na matagal ko nang tinitiis at ginagawa?
Dati, kapag bumubulong ako sa aking sarili, madalas kong nakikita ang mga taong ‘meron ang lahat’. Maganda, gwapo, mayaman, matalino… Mga bagay na hindi ako nabiyayaan kahit papaano. Ang tanging lakas ko, ay ang magsulat, at gumuhit. Iniisip ko, mamatay din naman kayo, kaya sige lang, magpakasaya kayo. Walang puwang sa akin ang mga salitang "pag-ibig (love), pagtitiwala (trust), at sariling-pagtitiwala (pride)." Hindi ako tao, sabi ko nga. Katawan ng nilalang, ngunit isip ng ibang nilalang.
Dahil alam ko, sa aking pananatili dito sa mundong ito, ay ang mga nilalang, ang mga tao, ay ang pinakamababang klase ng hayop. Nakakabastos isipin na ang mga tao, na pinaglilingkuran ko sa tagal ng panahon, ay ang siyang titira sa likod ko. Lagi itong nangyayari. Dahil sila, ay kung tratuhin ako ay parang basura. Ngunit wala akong magawa kundi umayon sa kanila, dahil ano ba nga naman, sa mundo rin nila ako nakatira.
Kinasusuklaman ko ang bawat nilalang, sa kahit anong sulok ng mundo. Sila aywalang pinagkaiba sa isa’t isa: nakikiayon sa agos ng mundo, balasubas, at gagawin ang lahat upang makaangat sa kapwa nila nilalang. Matagal ko nang sinasabi sa aking sarili na maging mapusok, na manahimik at indahin ang mga tao sa aking paligid.
Pero hindi pa rin nawawala ang aking kabaitan. Ito lamang ang aking maibabahagi sa mga kaawa-awang tao. Makasalanan o hindi, wala akong pakelam. Ang mahalaga, sila’y nabubuhay mula sa aking sakripisyo. Oo nga’t nakakalito pero, ako ay may dalawang personalidad. Ako ang kulminasyon ng aking mapag-imbot na bahagi at ang aking altruwistikong bahagi.
Kaya ibigay nyo sa akin ang respeto na hindi ko naman hinihingi ng sapilitan. Ibigay nyo ito sa akin tulad ng sa isang kabayaran bilang pagiging isang tao. Wag kayong mag-alala, wala akong galit na inilalabas. Tutal, ang ngiti ko ay ang katapusan ng lahat…
(Pasalamatan natin si JP Lagasca sa makapagbagbag-damdaming post nya noong agosto 31, 2005. Saludo ako, kapitan!)